Friday, November 16, 2012

Amalayer: Isang Naratibo

Martes, Nobyembre 13, 2012, 7am. Si Paula Salvosa ay bumangon mula sa kanyang kama. Paputol-putol ang tulog niya dahil sa kakaisip tungkol sa kukunin niyang eksamen sa English, 9am ngayong araw na ito. Hindi siya masyadong nakapag-aral nung Lunes sapagkat siya'y nagkasakit at pinayuhan ng doktor na huwag bigyan ng stress ang sarili. Pinilit na lang niya na maligo at ayusin ang sarili bago pumasok sa eskwelahan.
      
7:45am. Umalis na ng bahay si Paula, para bumiyahe na papunta sa eskwelahan at makapag-aral pa kahit kaunti. Sumakay siya ng dyip papunta sa eskwelahan. Kaskasero yung driver ng dyip na ito. Wagas kung maka-lihis sa mga daanan ng Metro Manila. Ayun, umagang-umaga nakabangga na agad ng isang naka-motorsiklo yung dyip ni kuya manong drayber. Bumaba na si Paula at ang iba pang mga pasahero sa dyip at naghintay ng iba pang pwedeng sakyan. Medyo malayo pa si Paula sa kanyang eskwelahan at lahat ng mga dumadaan na dyip ay puno na. 8:20 na. Naisip niya na nagsasayang lang siya ng oras sa kakahintay kaya't sinimulan na niyang maglakad papuntang eskwelahan.
      
9:00am. Dumating na siya sa eskwelahan at dumiretso na sa klasrum. Saktong ipinapamahagi na ng guro yung mga papel para sa eksamen. Binigyan siya ng papel at naupo siya sa pinakalikod ng klasrum. Nakatitig lang siya sa kanyang kopya ng eksamen. Ni isang tanong ay wala siyang naintindihan. Isang oras na ang dumaan, wala pa siyang nasasagutan. 30 minuto na lang ang natitirang oras. Wala na siyang ibang pagpipilian kung hindi bolahin na lamang yung kanyang mga sagot at ipagkatiwalaan na lamang ito kay Batman.
     
10:45am. Palakad-lakad lang si Paula sa kampus. Iniisip kung ano kaya yung resulta ng patapon niyang eksamen nung nakita niya ang kanyang boypren na may kasamang ibang babae, magka-hawak pa sila ng kamay. Grabe ang galit na naramdaman ni Paula, kaya't nilapitan niya ang kanyang boypren at sinampal nang napaka-lakas. Sa init ng kanyang ulo ay umalis na lang siya ng kampus at nagpatungo sa bahay ng kanyang bespren. Inilabas niya ang kanyang poot sa kanyang kaibigan. Sa tindi ng kanyang galit ay hindi na niya napansin na lumipas na ang tatlong oras. Nagpasalamat siya sa kaibigan niya at umalis na. Pumunta siya sa pinakamalapit na LRT station upang bumiyahe nang pauwi.
      
2pm. Bumaba si Paula sa dulong estasyon ng LRT. May lumapit sa kanya na guwardiya. Nangyari ang "Amalayer incident".