Monday, January 7, 2013

El Presidente: Isang Pagsusuri

Kasama ko si Stela C. at iba pang mga kaibigan noong pinanood ko ang pelikulang El Presidente ni Direk Mark Meily. Inasahan ko na magiging boring at by-the-[history] book ang pelikulang ito ngunit nagulat ako nang magsimula ang pelikula, yun pala history with a twist ang pelikulang ito.

Talagang nakuha ng pelikulang ito ang atensyon ko. Action-packed at kakaiba pala ang take ni direk sa isang parte ng kasaysayan ng Pilipinas. Hindi ko akalain na ganoon pala kalupit sa giyera ang unang presidente nating si Miyo (Emilio Aguinaldo). Napakahusay ang kanyang paghawak sa baril at balisong. Kung makaiwas siya sa mga bala at hataw ng kalaban ay parang si Fernando Poe, Jr. lang. Suwail pala sa samahan si Andres Bonifacio. Napakaraming twist sa kasaysayan ang naipakita dito at masasabi ko na bumalik ang aking interes sa pag-aaral tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas.

Nagustuhan ko ang halo ng cast na napili nila para sa pelikulang ito sapagkat ito'y star-studded. Sa tingin ko ay kuhang-kuha ng bawat isa ang kanilang ginanap na papel. Ang up and coming action star na si ER Ejercito, na gumanap kay Asiong Salonga sa pelikulang Manila Kingpin noong nakaraang Metro Manila Film Festival, ay gumanap kay Heneral Emilio Aguinaldo sa El Presidente. Nakita ko ang "angas" ni Asiong sa personalidad ni Miyo dito kahit na kataas-taas at kagalang-galang ang karakter niya. Si Cesar Montano ay gumanap kay Andres Bonifacio at ang masasabi ko lang sa pagaarte niya dito ay "wow". Bilib na bilib talaga ako sa talento ni Cesar. Si Baron Geisler na gumanap naman sa isang heneral na Espanyol ay nakuha ang pagiging brutal at walang awa sa mga Indio katulad sa mga nabasa ko noong sa mga aklat. Sa mga iba namang gumanap sa kanilang mga papel sa El Presidente, pinupuri ko kayo sa kahusayan ninyo sa pelikulang ito.

Ang lokasyon at pagkuha dito sa kamera ay kamangha-mangha. Kuhang-kuha ng crew ang kagandahan ng mga gubat, lumang kabahayan, dalampasigan at iba pang lugar na may kinalaman sa kasaysayan ng Pilipinas noong panahong iyon. Nabigyan ng pansin sa film ang mga importanteng lugar tulad ng Cavite, Laguna, Bulacan at Bataan.

Noong natapos ang pelikula ay natulala nalang ako at hindi ko akalain na mga Pilipino ang gumawa nito. Sa palagay ko, ang El Presidente ay nagpapahiwatig na hindi lamang kalokohan ang naipapakita ng mga Pinoy sa pelikula ngunit kayang-kaya maging seryoso at maipakita sa lahat ang kagandahan ng mga tanawing Pilipino at ang kasaysayan at talento ng Pilipino. Binibigyan ko ng 10/10 ang El Presidente!