"Chicharon ka ba? Kasi ang ingay mo habang kinakain!" Isa itong pickup line na mabentang-mabenta sa kabaatan na naglalarawan ng lutong ng isang piraso ng chicharon kapag ito ay kinagat.
Ang chicharon ay isang pagkain na sikat sa Espanya na namana at napaunlad na lang ng mga Pilipino noong nakolonisa ang bansa malipas ang ilang daang taon. Ito ay madalas gawa sa balat ng baboy na ipiniprito sa mantika para maging malutong at inaasnan. Madalas ay sinasama ang taba sa pagprito dito, ngunit sa kasalukuyang panahon ay madami na ang may sakit sa puso kaya't ginawan ng mga taga-luto ng chicharon ng paraan na mabawas-bawasan ang tabang dinadala ng napakasarap na pagkaing ito. Ngayon ay madami nang mga uri ng chicharon, mayroong chicharon bulaklak, bituka ng manok, balat ng manok o tilapia at napakarami pang iba.
Bata pa lang ako ay gustong-gusto ko na ang chicharon; ipinaglihi pa nga daw ako sa chicharon sabi ng magulang ko. Naging paborito ko siguro ito dahil sa lutong at alat niya, yung karaniwang hanap ng mga kabataan sa pagkain nila. Kapag may bag ng chicharon sa hapag-kainan namin, lahat ay hindi aalis nang hindi makakukuha ng kahit isang piraso nito. Nakain ko na ito mag-isa, nagawa ko na rin itong ulam, ginagawa din siyang pang-sahog sa iba't-ibang putahe, tulad ng pancit Malabon; napakaraming pwede gawin sa pagkaing ito.
Ang the best na chicharon ay yung "tatak Bulakenyo" at wala nang iba. Ang Bulacan ang probinsyang may pinakamaraming pagawaan ng chicharon. Ang mga bayan ng San Miguel, San Ildefonso, Sta. Maria at Baliuag ng Bulacan ang ilan lang sa mga bayan na may mga pagawaan ng chicharon. Ang bawat isang pagawaan ay may sariling paraan ng pagluluto, kung anu-anong special recipe na meron sila. May mga pagawaan na specialty nila ay yung maanghang na backfat chicharon, yung iba naman ay chicharon bulaklak, at yung iba ay yung chicharon na bituka ng manok. Wala talagang makakatalo sa orihinal na chicharon ng Bulacan. Kahit na tapatan pa ng mga komersyal na "no-meat" chicharon, panalong-panalo talaga ang "tatak Bulakenyo".
Galing sa mga Kastila, ngunit makalipas ang ilang daang taon ay naging tunay na pagkaing Pilipino na. Ang chicharon ay walang kaduda-dudang National Junk Food of the Philippines.
No comments:
Post a Comment