
Noong preschool ako, pumunta ang klase ko sa Makati City fire department. Nakita ko na nakaparada sa labas ng istasyon ang mga pulang trak at naalala ko yung mga pulang trak na nakita ko na minamaneho ng mga bumbero sa mga dokumentaryong napanood ko. Sinalubong kami ng mga lalaki at nagpakilala sila, yun pala ay mga bumbero sila! Sinamahan kami ng mga bumbero sa paglilibot ng buong istasyon. Pumunta kami sa bawat silid at opisina doon at ipinakita nila ang gawain ng mga bumbero habang hindi sila tinatawagan para sa mga biglang pangangailangan. Tinuruan kami kung paano bumaba ng fireman's pole at pati na rin ng hose. Nabigyan rin ako ng pagkakataon sumakay sa pulang trak nila. Sobrang saya ko nung araw na iyon na gustong-gusto ko nang maging bumbero kaagad-agad.
Pagkalipas nang maraming taon, buo ko nang naunawaan na hindi talaga madaling maging bumbero. Kapag may apoy o kahit anong disgrasya, dapat laging handa at malakas ang pangangatawan, dahil madaming buhay ang nakasasalay sa mga bumbero. Kahit na hindi ko na pangarap na maging bumbero, may paghanga pa rin ako sa tapang at lakas ng mga bumbero. Saludo sa kanila!
wow nakakatuwa naman po ang isinulat ninyo.. nurse na ko pero gusto ko din maging bumbero! :)
ReplyDelete