Tuesday, February 19, 2013

Indie Sine

Ang independent (indie) films at mainstream films ay magkaiba sa napakadaming paraan. Unang-una, ang independent films ay gawa ng mga filmmakers sa labas ng mga major film studios, habang ang mga mainstream naman ay ginagawa at ipinapangasiwa ng mga malalaki at kilalang film studios. Ang indie films ay madalas low-budget kasi hindi naman lahat ng filmmakers ay nakakabuo ng malalaking halaga ng pera upang makagawa ng mga pelikula, kasi hindi naman nais ng gumawa ng pelikula ang makakuha ng kapalit sa paggawa nito; hindi katulad ng mga mainstream films na malaki ang budget kasi alam ng producers na malaki din ang kikitain nito. Ang indie films ay nililikha upang maipakita ng isang filmmaker ang kanyang sariling vision at artistic representation sa isang importanteng isyu, pero pagdating naman sa mainstream films, paulit-ulit lamang ang mga ginagamit na kwento, kalokohan at kakornihan. Sa aking palagay, overrated ang mga mainstream films at mas karapat-dapat na bigyan ng pansin ang mga indie films.

Indie films sa ‘Pinas
Sa Pilipinas, malakas ang hatak ng mainstream films sa masa, ngunit ang indie naman ay parang hindi naman pinapansin ng karamihan. Bakit mainstream ang pinipili ng karamihan ng mga Pinoy? Numero unong rason diyan ay dahil sa mga kinikilalang artista na galing sa malalaking network ng telebisyon tulad ng ABS-CBN, GMA o TV-5; sa mga pelikulang indie naman ay bihirang-bihira na may makikilala kang sikat na artista, dahil maliit nga naman ang budget ng mga ito at mas gugustuhin ng filmmaker na gumamit ng talentong hindi pa nadidiskubre ng mga network. Ang mga kwento ng mga indie film ay hindi generic kagaya ng mga pelikulang mainstream sa kasalukuyan na madalas ay puro romantic comedies o hindi kaya mga love triangles na lamang. Mas malalim ang pagtalakay sa mga isyu at mas realistiko ang pagkakaganap ng mga pangyayari sa mga Pinoy indie films.

Mga Pinoy sa film fests
Ang mga film festivals ay ginaganap upang maipakita ang talento, sining at artistic vision ng isang filmmaker at ang kanyang cast and crew. Ang mga film fest ay bukas sa lahat ng nais maibunyag ang kanyang gawa sa mundo. Padami nang padami ang mga film festivals; ang Cannes, Sundance, Rotterdam , Tribeca, Cinemanila at Cinemalaya ay ilan lamang sa daan-daang film festival sa buong mundo at kung hindi lagi ay madalas may Pilipino na nagsusumite ng kanilang mga gawa sa mga ito at nagdadalo kapag hinirang sa napiling kategorya.

Madaming Pilipino ay kinikilala sa paggawa ng indie films at karamihan sa kanila ay pinupuri ng international audience. Ang pinakasikat na indie filmmaker na Pinoy sa ngayon ay si Brillante Mendoza. Karamihan sa kanyang mga gawa ay nananalo ng Best Picture o Best Film at madalas ay nananalo siya bilang Best Director sa mga film festival. Isa si Brillante sa mga pioneer ng indie films dito sa Pilipinas, kasama sina Kidlat Tahimik at Raymond Red, na kinilala sa pagiging mahuhusay na filmmaker.

Bakit may nakawiwili ang mga Pinoy indie films? Bukod sa tila perpektong pagkuha ng bawat eksena sa mga pelikulang ito, ang mga kwentong ibinabahagi ng mga ito ay true-to-life at umiikot sa mga socially relevant issues na pinagsama sa masining na pagtanghal. Ang ilan sa mga isyu na tinutugon ng mga pelikulang indie ay krimen, kahirapan at hinding-hindi natin maiiwasan, ang kabaklaan.


Kabaklaan at sining sa indie films

Ang kabaklaan ay isang kaugalian ng isang tao na nagkakagusto sa kapareho ng kasarian. Minsan ito ay natural nalang mula noong bata pa o di kaya’y nadevelop makalipas ng ilang taon. Isa ito sa mga pinakaimportanteng isyu mula pa noong 90s hanggang sa kasalukuyang panahon. 

Sa isang lecture ni Dr. Nicanor Tiongson, naging laganap ang paggawa ng gay-themed films noong 1950s, ngunit hindi raw tama ang pagganap sa isang bakla noong panahon na iyon dahil makikita mo na parang pinagrabe ang pagka-bakla at ginawang bagay na pang-katatawanan lamang. Noong naging socially-acceptable ang kabaklaan, noong 2000s, naiba na rin ang imahe ng kabaklaan sa pelikula at nauso na rin ang pagpapakita ng bagong imahe na iyon sa mga pelikula ng mga independent filmmakers at kapansin-pansin pa rin ito hanggang ngayon.

Nakapanood ako ng dalawang pelikula na nakapag-paiba ng aking tingin sa mga bakla, una ay Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa ni Dr. Alvin Yapan at Alemberg Ang, at sumunod ay Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros ni Michiko Yamamoto at Auraeus Solito.


Sa Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa, napakaganda ng pagbunyag sa katotohanan. Hindi ito typical na pagganap ng isang student-teacher relationship, mabibigla ka nalang sa mga pangyayari. Isang susing sangkap sa pelikulang ito ay ang paghahanap ng dalawang lalaking lead characters ng isang common ground, ang sining ng pagsayaw at tula. Kahit iba ang motibo nung isa para matutong sumayaw, nahanap nila ang kanilang sarili sa isa’t-isa. Nadiskubre nila na ang pagbibigay-kahulugan sa tula ay pwedeng gawing galaw ng tao. Ang bawat eksena na magkasama sila, sa klasrum habang nagbabasa ng tula o kaya’y sa dance studio, nagbigay-simbolo sa bawat step ng isang relasyon; natuto muna siya ng basics bago humantong sa entablado.

Binigyan ni Ang at Dr. Yapan ng realistikong pakiramdam ng kabaklaan ang pelikulang ito sapagkat sa bawat eksena ay unti-unting umiinit ang bawat hawak ng kamay at pagtitig nila sa isa’t-isa sa kanilang pagsasayaw at pagbigay-kahulugan sa mga tula; mararamdaman mo talaga na sila’y nagkakaroon ng kakaibang koneksyon, sila’y nadevelop na habang palapit na ng palapit ang wakas ng pelikula.

Sa Pagdadalaga ni Maximo Oliveros, lalong nabigyan ng kalaliman ang buhay ng isang bakla. Naipakita sa pelikulang ito ang buhay ng isang simpleng batang binabae sa gitna ng roller coaster of emotions dala ng mga nangyayari sa buhay niya sa araw-araw. Sa tingin ko, ang lubos na naka-apekto sa daloy ng kwento ay yung setting dahil ang bawat eksena ay binigyan ng emotional backdrop ng lugar kung saan ito kinunan. Hindi simple ang pagganap ng papel ng isang bakla sa isang siyudad na puno ng panganib; may inaakalang pag-ibig doon, may patayan diyan, may pagsusugal at nakawan kung saan siya nakalingon. Naipakita sa pelikulang ito ang paghahanap ng ligaya sa isang lugar na kung saan ito’y hindi umiiral.

Sa pananaw ni Solito at Yamamoto, ang pagiging bakla ngayon ay hindi lang puro landian, ingay at saya, sapagkat sa mundong mapanganib ay isa lang talaga ang mapipili mo sa tatlong importanteng bagay sa buhay, pag-ibig, pera o pamilya.

Sa dalawang pelikulang tinalakay, makikita natin na ang kabaklaan ay isang natural na bagay at hindi dapat kinaririndian. Ang mga sitwasyon na kinaroroonan nila ay madali naman maiuugnay sa tunay na buhay, dahil sa araw-araw may nangyayaring ganung bagay.

Para sa akin, mas may depth ang indie films kaysa ang mga mainstream. Sa mga isyu pa lang na tinatalakay ng indie films ay tumba na ang mainstream. Sa dulo ay karapat-dapat ng bigyan ng pansin at papuri ang mga gumagawa ng independent films, bukod sa pagdadala ng pangalan ng ating bansa sa mabuting paraan, binibigyan nila tayo ng isang avenue para magkaroon ng kamalayan sa mga nangyayari sa paligid at maging responsable sa ating mga lipunan.

No comments:

Post a Comment