Wednesday, March 6, 2013

Mapanganib Ang Pagsulat


"Tell a story straight; unvarnished." (Marites Danguilan Vitug, 2013)

Noong ika-21 ng Pebrero 2013, dumalo kami sa Women Writers in Media Now, isang forum tungkol sa mga babaeng manunulat sa Pilipinas. Dito ay pinagusapan nina Ma. Ceres P. Doyo, Marites Danguilan Vitug at Jo Ann Maglipon ang mga buhay nila bilang manunulat noong 1980s hanggang sa ngayon.

Kahit nagsulat sila para sa iba't-ibang medium, tulad ng magasin, dyaryo at online portal, nagkatulad sila sa isang karanasan at ito ay pagkakaroon ng kasong libel laban sa kanila.

 Si Ma. Ceres P. Doyo ang unang nagkwento ng kanyang buhay manunulat. Tinawag niya ang sarili niya na isang "suicide journalist". Akala ko nagsusulat lang siya tungkol sa mga nagpapakamatay yun pala ay iba ang ibig sabihin niya. Suicide journalist siya dahil nilalagay niya sa panganib ang kanyang buhay para lang maisulat lang niya ang katotohanan. Nagsulat siya ng article tungkol sa pagpatay sa isang hepe ng tribu sa Bataan dahil hindi daw siya sang-ayon sa pagtayo ng dam doon. Pumunta pa siya (Ceres Doyo) sa Bataan para lang makapaghanap ng sapat na ebidensya para mapatunayan na pinatay talaga ang hepe. Nailabas niya ang katotohanan, pinapatay sa militar ang hepe na iyon, at siya'y kinasuhan ng libel suit na nagkakahalagang sampung milyong piso. Sa tulong ng kanyang mga abogado at pagkolekta ng ebidensiya ay nanalo siya sa kaso at nagpapatuloy pa rin sa kanyang pagsusulat ngayon para sa Inquirer.

Sumunod na nagkwento ng kanyang mga karanasan ay si Marites Danguilan Vitug. Siya naman ay nagsulat tungkol sa mga politiko. Napaka-mapanganib ang pagsusulat tungkol doon dahil ayaw na ayaw ng mga politician na mabahiran ng masamang salita ang mga pangalan nila (kahit na karapat-dapat sila). Unang siyang kinasuhan ng libel case ay noong 1980s at nanalo siya. Naramdaman daw niya na siya ay ang "worst writer ever" nang makasuhan siya dahil hindi niya akalain na may masasaktan sa sinulat niya. Payo niya sa mga naghahangad na maging manunulat ay "Take care of what you write. And find a pro-bono lawyer [just in case]."


Ang huling manunulat na nagbahagi ng kaniyang mga naranasan ay si Jo Ann Maglipon. Siya ay isang showbiz writer at editor-in-chief ng PEP.ph. Kung bakit siya napunta sa pagsusulat tungkol sa showbiz issues ay dahil nakakahanap daw siya ng kaligayahan doon. Si Claudine Barretto at Richard Guttierez ang mga unang nagpataw sa kanya ng kasong libel, pero naayos naman at nag-move on na daw sila sa nangyari. Sa pagsusulat tungkol sa mga showbiz issue ay hinding-hindi maiiwasan ang mailabas ang narinig o nakita mula sa artista kaya't napapahamak ang tao. Dapat daw ay alam natin ang dalawang panig ng kwento bago tayo maging judgemental at magsulat alang-alang sa pagsusulat, huwag dahil sa pera. Minsan daw ay may nag-offer sa kanya ng malaking halaga ng pera ngunit tinanggihan niya ito dahil hindi naman daw kinakailangan ng ganon sa industriya ng manunulat.

Ang natutunan ko sa mga manunulat na ito ay magsulat tungkol sa katotohanan, kahit na mapanganib ito at madalas kang mapapaaway. Kung hindi mo nararamdaman na tama ang iyong isinusulat at hindi dapat laban sa sarili mong paniniwala, huwag mo na isulat iyan. Itinakda ng tatlong manunulat na si Doyo, Vitug at Maglipon ang tamang ehemplo sa pagsusulat at ako'y humahanga sa kanilang katapangan.

No comments:

Post a Comment