Sunday, March 24, 2013

TED x SAYAW

Magandang araw sa inyo! Ako si Hermond Vincent Alvarez, isang estudyante sa Ateneo de Manila University at isang mananayaw. Andito ako ngayon para magkwento sainyo tungkol sa aking mga karanasan sa pagsayaw at kung papaano nito nabago ang aking buhay pati na din ang pananaw ko sa mundo.

Nadiskubre ko ang aking hilig sa pagsayaw noong ako’y labing anim na taong gulang pa lamang. Iyon ang panahon kung saan nahilig akong manood ng mga video tungkol sa pagsayaw sa youtube at paminsa’y ginagaya ko ang mga ito. Sabi ng nanay ko na nakitaan niya ako ng potensyal sa pagsasayaw kung kaya’t pinagaral niya ako ng pagsayaw sa isang workshop isang summer. Siguro’y tinatanong niyo ang inyong sarili kung saan dito ang bahagi kung saan nabago ng pagsayaw ang buhay ko. Huwag na kayong mag-atubili at darating na ako sa bahaging iyan.
Simula ng mahilig ako sa pagsayaw, bukod sa pagkakaroon ko ng lakas ng loob, nagkaroon din ako ng maraming kaibigan. Noong ako’y nasa hayskul, nagkaroon ako ng pagkakataon na makapag-training kasama ang LSGH Airforce. Higit pa itong napaglinang ang aking karanasan ng ako’y tumungtong sa kolehiyo. Naging kasapi ako ng isang grupo na tinatawag na Acommpany. Mula doon, mas na-expose ako sa dance community at higit akong naging interesante sa mga bagay na may kinalaman sa pagsasayaw.

Dito ko napagtanto ang kapangyarihan ng pagsasayaw. Tunay nga na nakapagbubuklod ng mga tao ang pagsasayaw. Maaaring isipin ng karamihan na sa pagsasayaw, higit na mahalaga ang pagaaral ng technique, pero isa sa aking mga natutunan ay mas mahalaga ang pagkakaroon ng passion para dito. Mas mahalaga ang pagkakaroon ng puso at pagmamahal para sa sayaw. Ito’y hindi dapat nakakapagpababa ng lakas ng loob ng isang tao. Ito’y ginagawa para sa pagsasaya at pagpapahalaga sa buhay. Ito’y paraan ng pagdanas at pagpapasalamat sa binigay na buhay satin ng Diyos. Sarap lang.

Saturday, March 23, 2013

Huling Kahilingan

Para sa akin, ang gradong karapat-dapat na ibigay sa akin ay A para sa klaseng Filipino 12. Bakit kamo?

Ito ang aking mga rason (BABALA: Lahat ng rason ay totoo, hindi imbento):
1. Kung ikukumpara ko ang Fil sa ibang klase, mas nag-enjoy talaga ako sa Fil (No joke. Love ko ang Fil 12)
2. Binasa ko ang lahat na kinakailangang readings (lalo na ang Impersonal)
3. Nakikilahok ako sa mga intelihenteng talakayan tungkol sa mga reading
4. Nagsikap talaga ako sa pagsulat ng aking mga blog post
5. Tiniyak ko na lagi akong magkakaroon ng tweets na nasa wikang Filipino
6. Ni isang beses, hindi ako nag-cut ng klase
7. Maganda ang prof ko
8. Pareho kami ng probinsya ng prof ko (Bulacan, tama? Kaya ako nagdala ng chicharon dati)
9. Alam kong mahilig uminom ng Coke Zero ang prof ko
10. Nabanggit ko na bang maganda ang prof ko?

Feeling ko talaga A ang dapat kong makuhang grado sa klaseng ito. Hindi ba, ma'am? (Bigyan mo na po ako ng A, please?)

Wednesday, March 13, 2013

Predictable na Pocketbook

Nabasa ko ang pocketbook na Mga Latay ng Pag-ibig ni Martha Cecilia mula sa koleksyon ng Precious Hearts Romances. First time akong makahawak at makapagbasa ng isang aklat na ganito. Dati ay nakikita ko lang na binabasa ng kasambahay ko ang aklat na katulad nito at hindi ko inakala na kakailanganin kong magbasa ng ganito, pero buti nalang ay binigyan kami ng assignment na ganito kung hindi ay magiging ignorante ako sa ibang paraan ng panunulat at pagkwento.

May isa akong napansin habang nagbabasa nito. Para ka lang nagbabasa ng script ng isang telenovela o teleserye. Minsan ay nakakapanood ako ng mga episode ng teleserye at makalipas ng ilang episode ay kuha mo na ang buong kwento nito at iyon nga ang naranasan ko habang nagbabasa ng Mga Latay ng Pag-ibig. Isusuma ko ang naranasan sa pocketbook na ito sa iisang salita: Predictable.

Magbibigay ako ng mga importanteng detalye tungkol sa dalawang pangunahing karakter ng Mga Latay ng Pag-ibig at tignan natin kung mabubuo mo ang kwento nito.

Si Miranda Alcaraz ang babaeng bida sa ating kwento. Siya ay anak ng isang ranchero. Namatay ang nanay niya noong bata siya. Nag-aral siya sa Maynila pero bumibisita sa probinsya upang makita ang kanyang ama. Wala pa siyang nakikilalang lalaki na up to par with her standards. Paborito niyang puntahan sa probinsya ay yung sapa sa tabi ng rancho nila. Nagkasakit siya habang nasa probinsya. May dala siyang latigo para makapaglabas ng galit.

Si Daniel Aragon ang lalaking bida sa kwento. Pareho sila ng probinsya ni Miranda. Naulila siya noong bata siya pero kinupkop siya ng tito at ng asawa nito. Mahilig siya lumangoy sa sapa na malapit sa rancho. Nag-aral siya sa ibang bansa at naging doktor, ngunit walang may alam nun. Nanirahan siyang muli sa probinsya matapos mag-aral. May nabuntis siya ngunit namatay habang siya ang nagpapaanak. Hindi siya sang-ayon sa pananakit ng iba.

Kapag napag-konek mo ang lahat ng detalyeng iyan, madali ka nang makakabuo ng kwento, hindi ba? Para sa akin oo, kasi madali kong nasundan ang mga detalye at tama naman pala ang mga hinala ko dahil pagdating sa dulo ay saktong-sakto sa hula ko.

Long story, short: Si Miranda at Daniel ay nagkasabay ng pag-uwi sa probinsya at nagkatagpo sila sa paborito nilang sapa. Doon palang sa sapa ay nagka-koneksyon na sila dahil sa maikling sagutan. Nagkasakit si Miranda at nabalitaan ni Daniel iyon kaya't siya'y dumiretso sa rancho. Nang malaman ni Daniel na malala ang sakit ni Miranda at kailangang operahan, nagdalawang isip siya dahil napagbintangan na siya dati sa pagkamatay habang nagpapaanak ng babaeng nabuntis niya dati. Ibinunyag ni Daniel ang kanyang sikreto at inoperahan si Miranda. Lumuwas si Daniel sa Maynila.  Matapos ang lahat ng iyon, nagpakasal din sila pagbalik ni Daniel at nagkaroon ng kambal na anak at nagpatayo ng isang klinika sa rancho ni Miranda.

Mabilis lang ang flow ng kwento sapagkat ang aklat ay humigit kumulang isandaang pahina lamang. Walang masyadong twists sa kwento at para lang talagang nanonood ng teleserye. Kahit na alam mo ang mga susunod na pangyayari, mage-enjoy ka pa rin sa pagbabasa ng pocketbook.

Wednesday, March 6, 2013

Mapanganib Ang Pagsulat


"Tell a story straight; unvarnished." (Marites Danguilan Vitug, 2013)

Noong ika-21 ng Pebrero 2013, dumalo kami sa Women Writers in Media Now, isang forum tungkol sa mga babaeng manunulat sa Pilipinas. Dito ay pinagusapan nina Ma. Ceres P. Doyo, Marites Danguilan Vitug at Jo Ann Maglipon ang mga buhay nila bilang manunulat noong 1980s hanggang sa ngayon.

Kahit nagsulat sila para sa iba't-ibang medium, tulad ng magasin, dyaryo at online portal, nagkatulad sila sa isang karanasan at ito ay pagkakaroon ng kasong libel laban sa kanila.

 Si Ma. Ceres P. Doyo ang unang nagkwento ng kanyang buhay manunulat. Tinawag niya ang sarili niya na isang "suicide journalist". Akala ko nagsusulat lang siya tungkol sa mga nagpapakamatay yun pala ay iba ang ibig sabihin niya. Suicide journalist siya dahil nilalagay niya sa panganib ang kanyang buhay para lang maisulat lang niya ang katotohanan. Nagsulat siya ng article tungkol sa pagpatay sa isang hepe ng tribu sa Bataan dahil hindi daw siya sang-ayon sa pagtayo ng dam doon. Pumunta pa siya (Ceres Doyo) sa Bataan para lang makapaghanap ng sapat na ebidensya para mapatunayan na pinatay talaga ang hepe. Nailabas niya ang katotohanan, pinapatay sa militar ang hepe na iyon, at siya'y kinasuhan ng libel suit na nagkakahalagang sampung milyong piso. Sa tulong ng kanyang mga abogado at pagkolekta ng ebidensiya ay nanalo siya sa kaso at nagpapatuloy pa rin sa kanyang pagsusulat ngayon para sa Inquirer.

Sumunod na nagkwento ng kanyang mga karanasan ay si Marites Danguilan Vitug. Siya naman ay nagsulat tungkol sa mga politiko. Napaka-mapanganib ang pagsusulat tungkol doon dahil ayaw na ayaw ng mga politician na mabahiran ng masamang salita ang mga pangalan nila (kahit na karapat-dapat sila). Unang siyang kinasuhan ng libel case ay noong 1980s at nanalo siya. Naramdaman daw niya na siya ay ang "worst writer ever" nang makasuhan siya dahil hindi niya akalain na may masasaktan sa sinulat niya. Payo niya sa mga naghahangad na maging manunulat ay "Take care of what you write. And find a pro-bono lawyer [just in case]."


Ang huling manunulat na nagbahagi ng kaniyang mga naranasan ay si Jo Ann Maglipon. Siya ay isang showbiz writer at editor-in-chief ng PEP.ph. Kung bakit siya napunta sa pagsusulat tungkol sa showbiz issues ay dahil nakakahanap daw siya ng kaligayahan doon. Si Claudine Barretto at Richard Guttierez ang mga unang nagpataw sa kanya ng kasong libel, pero naayos naman at nag-move on na daw sila sa nangyari. Sa pagsusulat tungkol sa mga showbiz issue ay hinding-hindi maiiwasan ang mailabas ang narinig o nakita mula sa artista kaya't napapahamak ang tao. Dapat daw ay alam natin ang dalawang panig ng kwento bago tayo maging judgemental at magsulat alang-alang sa pagsusulat, huwag dahil sa pera. Minsan daw ay may nag-offer sa kanya ng malaking halaga ng pera ngunit tinanggihan niya ito dahil hindi naman daw kinakailangan ng ganon sa industriya ng manunulat.

Ang natutunan ko sa mga manunulat na ito ay magsulat tungkol sa katotohanan, kahit na mapanganib ito at madalas kang mapapaaway. Kung hindi mo nararamdaman na tama ang iyong isinusulat at hindi dapat laban sa sarili mong paniniwala, huwag mo na isulat iyan. Itinakda ng tatlong manunulat na si Doyo, Vitug at Maglipon ang tamang ehemplo sa pagsusulat at ako'y humahanga sa kanilang katapangan.