Sunday, March 24, 2013

TED x SAYAW

Magandang araw sa inyo! Ako si Hermond Vincent Alvarez, isang estudyante sa Ateneo de Manila University at isang mananayaw. Andito ako ngayon para magkwento sainyo tungkol sa aking mga karanasan sa pagsayaw at kung papaano nito nabago ang aking buhay pati na din ang pananaw ko sa mundo.

Nadiskubre ko ang aking hilig sa pagsayaw noong ako’y labing anim na taong gulang pa lamang. Iyon ang panahon kung saan nahilig akong manood ng mga video tungkol sa pagsayaw sa youtube at paminsa’y ginagaya ko ang mga ito. Sabi ng nanay ko na nakitaan niya ako ng potensyal sa pagsasayaw kung kaya’t pinagaral niya ako ng pagsayaw sa isang workshop isang summer. Siguro’y tinatanong niyo ang inyong sarili kung saan dito ang bahagi kung saan nabago ng pagsayaw ang buhay ko. Huwag na kayong mag-atubili at darating na ako sa bahaging iyan.
Simula ng mahilig ako sa pagsayaw, bukod sa pagkakaroon ko ng lakas ng loob, nagkaroon din ako ng maraming kaibigan. Noong ako’y nasa hayskul, nagkaroon ako ng pagkakataon na makapag-training kasama ang LSGH Airforce. Higit pa itong napaglinang ang aking karanasan ng ako’y tumungtong sa kolehiyo. Naging kasapi ako ng isang grupo na tinatawag na Acommpany. Mula doon, mas na-expose ako sa dance community at higit akong naging interesante sa mga bagay na may kinalaman sa pagsasayaw.

Dito ko napagtanto ang kapangyarihan ng pagsasayaw. Tunay nga na nakapagbubuklod ng mga tao ang pagsasayaw. Maaaring isipin ng karamihan na sa pagsasayaw, higit na mahalaga ang pagaaral ng technique, pero isa sa aking mga natutunan ay mas mahalaga ang pagkakaroon ng passion para dito. Mas mahalaga ang pagkakaroon ng puso at pagmamahal para sa sayaw. Ito’y hindi dapat nakakapagpababa ng lakas ng loob ng isang tao. Ito’y ginagawa para sa pagsasaya at pagpapahalaga sa buhay. Ito’y paraan ng pagdanas at pagpapasalamat sa binigay na buhay satin ng Diyos. Sarap lang.

Saturday, March 23, 2013

Huling Kahilingan

Para sa akin, ang gradong karapat-dapat na ibigay sa akin ay A para sa klaseng Filipino 12. Bakit kamo?

Ito ang aking mga rason (BABALA: Lahat ng rason ay totoo, hindi imbento):
1. Kung ikukumpara ko ang Fil sa ibang klase, mas nag-enjoy talaga ako sa Fil (No joke. Love ko ang Fil 12)
2. Binasa ko ang lahat na kinakailangang readings (lalo na ang Impersonal)
3. Nakikilahok ako sa mga intelihenteng talakayan tungkol sa mga reading
4. Nagsikap talaga ako sa pagsulat ng aking mga blog post
5. Tiniyak ko na lagi akong magkakaroon ng tweets na nasa wikang Filipino
6. Ni isang beses, hindi ako nag-cut ng klase
7. Maganda ang prof ko
8. Pareho kami ng probinsya ng prof ko (Bulacan, tama? Kaya ako nagdala ng chicharon dati)
9. Alam kong mahilig uminom ng Coke Zero ang prof ko
10. Nabanggit ko na bang maganda ang prof ko?

Feeling ko talaga A ang dapat kong makuhang grado sa klaseng ito. Hindi ba, ma'am? (Bigyan mo na po ako ng A, please?)

Wednesday, March 13, 2013

Predictable na Pocketbook

Nabasa ko ang pocketbook na Mga Latay ng Pag-ibig ni Martha Cecilia mula sa koleksyon ng Precious Hearts Romances. First time akong makahawak at makapagbasa ng isang aklat na ganito. Dati ay nakikita ko lang na binabasa ng kasambahay ko ang aklat na katulad nito at hindi ko inakala na kakailanganin kong magbasa ng ganito, pero buti nalang ay binigyan kami ng assignment na ganito kung hindi ay magiging ignorante ako sa ibang paraan ng panunulat at pagkwento.

May isa akong napansin habang nagbabasa nito. Para ka lang nagbabasa ng script ng isang telenovela o teleserye. Minsan ay nakakapanood ako ng mga episode ng teleserye at makalipas ng ilang episode ay kuha mo na ang buong kwento nito at iyon nga ang naranasan ko habang nagbabasa ng Mga Latay ng Pag-ibig. Isusuma ko ang naranasan sa pocketbook na ito sa iisang salita: Predictable.

Magbibigay ako ng mga importanteng detalye tungkol sa dalawang pangunahing karakter ng Mga Latay ng Pag-ibig at tignan natin kung mabubuo mo ang kwento nito.

Si Miranda Alcaraz ang babaeng bida sa ating kwento. Siya ay anak ng isang ranchero. Namatay ang nanay niya noong bata siya. Nag-aral siya sa Maynila pero bumibisita sa probinsya upang makita ang kanyang ama. Wala pa siyang nakikilalang lalaki na up to par with her standards. Paborito niyang puntahan sa probinsya ay yung sapa sa tabi ng rancho nila. Nagkasakit siya habang nasa probinsya. May dala siyang latigo para makapaglabas ng galit.

Si Daniel Aragon ang lalaking bida sa kwento. Pareho sila ng probinsya ni Miranda. Naulila siya noong bata siya pero kinupkop siya ng tito at ng asawa nito. Mahilig siya lumangoy sa sapa na malapit sa rancho. Nag-aral siya sa ibang bansa at naging doktor, ngunit walang may alam nun. Nanirahan siyang muli sa probinsya matapos mag-aral. May nabuntis siya ngunit namatay habang siya ang nagpapaanak. Hindi siya sang-ayon sa pananakit ng iba.

Kapag napag-konek mo ang lahat ng detalyeng iyan, madali ka nang makakabuo ng kwento, hindi ba? Para sa akin oo, kasi madali kong nasundan ang mga detalye at tama naman pala ang mga hinala ko dahil pagdating sa dulo ay saktong-sakto sa hula ko.

Long story, short: Si Miranda at Daniel ay nagkasabay ng pag-uwi sa probinsya at nagkatagpo sila sa paborito nilang sapa. Doon palang sa sapa ay nagka-koneksyon na sila dahil sa maikling sagutan. Nagkasakit si Miranda at nabalitaan ni Daniel iyon kaya't siya'y dumiretso sa rancho. Nang malaman ni Daniel na malala ang sakit ni Miranda at kailangang operahan, nagdalawang isip siya dahil napagbintangan na siya dati sa pagkamatay habang nagpapaanak ng babaeng nabuntis niya dati. Ibinunyag ni Daniel ang kanyang sikreto at inoperahan si Miranda. Lumuwas si Daniel sa Maynila.  Matapos ang lahat ng iyon, nagpakasal din sila pagbalik ni Daniel at nagkaroon ng kambal na anak at nagpatayo ng isang klinika sa rancho ni Miranda.

Mabilis lang ang flow ng kwento sapagkat ang aklat ay humigit kumulang isandaang pahina lamang. Walang masyadong twists sa kwento at para lang talagang nanonood ng teleserye. Kahit na alam mo ang mga susunod na pangyayari, mage-enjoy ka pa rin sa pagbabasa ng pocketbook.

Wednesday, March 6, 2013

Mapanganib Ang Pagsulat


"Tell a story straight; unvarnished." (Marites Danguilan Vitug, 2013)

Noong ika-21 ng Pebrero 2013, dumalo kami sa Women Writers in Media Now, isang forum tungkol sa mga babaeng manunulat sa Pilipinas. Dito ay pinagusapan nina Ma. Ceres P. Doyo, Marites Danguilan Vitug at Jo Ann Maglipon ang mga buhay nila bilang manunulat noong 1980s hanggang sa ngayon.

Kahit nagsulat sila para sa iba't-ibang medium, tulad ng magasin, dyaryo at online portal, nagkatulad sila sa isang karanasan at ito ay pagkakaroon ng kasong libel laban sa kanila.

 Si Ma. Ceres P. Doyo ang unang nagkwento ng kanyang buhay manunulat. Tinawag niya ang sarili niya na isang "suicide journalist". Akala ko nagsusulat lang siya tungkol sa mga nagpapakamatay yun pala ay iba ang ibig sabihin niya. Suicide journalist siya dahil nilalagay niya sa panganib ang kanyang buhay para lang maisulat lang niya ang katotohanan. Nagsulat siya ng article tungkol sa pagpatay sa isang hepe ng tribu sa Bataan dahil hindi daw siya sang-ayon sa pagtayo ng dam doon. Pumunta pa siya (Ceres Doyo) sa Bataan para lang makapaghanap ng sapat na ebidensya para mapatunayan na pinatay talaga ang hepe. Nailabas niya ang katotohanan, pinapatay sa militar ang hepe na iyon, at siya'y kinasuhan ng libel suit na nagkakahalagang sampung milyong piso. Sa tulong ng kanyang mga abogado at pagkolekta ng ebidensiya ay nanalo siya sa kaso at nagpapatuloy pa rin sa kanyang pagsusulat ngayon para sa Inquirer.

Sumunod na nagkwento ng kanyang mga karanasan ay si Marites Danguilan Vitug. Siya naman ay nagsulat tungkol sa mga politiko. Napaka-mapanganib ang pagsusulat tungkol doon dahil ayaw na ayaw ng mga politician na mabahiran ng masamang salita ang mga pangalan nila (kahit na karapat-dapat sila). Unang siyang kinasuhan ng libel case ay noong 1980s at nanalo siya. Naramdaman daw niya na siya ay ang "worst writer ever" nang makasuhan siya dahil hindi niya akalain na may masasaktan sa sinulat niya. Payo niya sa mga naghahangad na maging manunulat ay "Take care of what you write. And find a pro-bono lawyer [just in case]."


Ang huling manunulat na nagbahagi ng kaniyang mga naranasan ay si Jo Ann Maglipon. Siya ay isang showbiz writer at editor-in-chief ng PEP.ph. Kung bakit siya napunta sa pagsusulat tungkol sa showbiz issues ay dahil nakakahanap daw siya ng kaligayahan doon. Si Claudine Barretto at Richard Guttierez ang mga unang nagpataw sa kanya ng kasong libel, pero naayos naman at nag-move on na daw sila sa nangyari. Sa pagsusulat tungkol sa mga showbiz issue ay hinding-hindi maiiwasan ang mailabas ang narinig o nakita mula sa artista kaya't napapahamak ang tao. Dapat daw ay alam natin ang dalawang panig ng kwento bago tayo maging judgemental at magsulat alang-alang sa pagsusulat, huwag dahil sa pera. Minsan daw ay may nag-offer sa kanya ng malaking halaga ng pera ngunit tinanggihan niya ito dahil hindi naman daw kinakailangan ng ganon sa industriya ng manunulat.

Ang natutunan ko sa mga manunulat na ito ay magsulat tungkol sa katotohanan, kahit na mapanganib ito at madalas kang mapapaaway. Kung hindi mo nararamdaman na tama ang iyong isinusulat at hindi dapat laban sa sarili mong paniniwala, huwag mo na isulat iyan. Itinakda ng tatlong manunulat na si Doyo, Vitug at Maglipon ang tamang ehemplo sa pagsusulat at ako'y humahanga sa kanilang katapangan.

Tuesday, February 19, 2013

Indie Sine

Ang independent (indie) films at mainstream films ay magkaiba sa napakadaming paraan. Unang-una, ang independent films ay gawa ng mga filmmakers sa labas ng mga major film studios, habang ang mga mainstream naman ay ginagawa at ipinapangasiwa ng mga malalaki at kilalang film studios. Ang indie films ay madalas low-budget kasi hindi naman lahat ng filmmakers ay nakakabuo ng malalaking halaga ng pera upang makagawa ng mga pelikula, kasi hindi naman nais ng gumawa ng pelikula ang makakuha ng kapalit sa paggawa nito; hindi katulad ng mga mainstream films na malaki ang budget kasi alam ng producers na malaki din ang kikitain nito. Ang indie films ay nililikha upang maipakita ng isang filmmaker ang kanyang sariling vision at artistic representation sa isang importanteng isyu, pero pagdating naman sa mainstream films, paulit-ulit lamang ang mga ginagamit na kwento, kalokohan at kakornihan. Sa aking palagay, overrated ang mga mainstream films at mas karapat-dapat na bigyan ng pansin ang mga indie films.

Indie films sa ‘Pinas
Sa Pilipinas, malakas ang hatak ng mainstream films sa masa, ngunit ang indie naman ay parang hindi naman pinapansin ng karamihan. Bakit mainstream ang pinipili ng karamihan ng mga Pinoy? Numero unong rason diyan ay dahil sa mga kinikilalang artista na galing sa malalaking network ng telebisyon tulad ng ABS-CBN, GMA o TV-5; sa mga pelikulang indie naman ay bihirang-bihira na may makikilala kang sikat na artista, dahil maliit nga naman ang budget ng mga ito at mas gugustuhin ng filmmaker na gumamit ng talentong hindi pa nadidiskubre ng mga network. Ang mga kwento ng mga indie film ay hindi generic kagaya ng mga pelikulang mainstream sa kasalukuyan na madalas ay puro romantic comedies o hindi kaya mga love triangles na lamang. Mas malalim ang pagtalakay sa mga isyu at mas realistiko ang pagkakaganap ng mga pangyayari sa mga Pinoy indie films.

Mga Pinoy sa film fests
Ang mga film festivals ay ginaganap upang maipakita ang talento, sining at artistic vision ng isang filmmaker at ang kanyang cast and crew. Ang mga film fest ay bukas sa lahat ng nais maibunyag ang kanyang gawa sa mundo. Padami nang padami ang mga film festivals; ang Cannes, Sundance, Rotterdam , Tribeca, Cinemanila at Cinemalaya ay ilan lamang sa daan-daang film festival sa buong mundo at kung hindi lagi ay madalas may Pilipino na nagsusumite ng kanilang mga gawa sa mga ito at nagdadalo kapag hinirang sa napiling kategorya.

Madaming Pilipino ay kinikilala sa paggawa ng indie films at karamihan sa kanila ay pinupuri ng international audience. Ang pinakasikat na indie filmmaker na Pinoy sa ngayon ay si Brillante Mendoza. Karamihan sa kanyang mga gawa ay nananalo ng Best Picture o Best Film at madalas ay nananalo siya bilang Best Director sa mga film festival. Isa si Brillante sa mga pioneer ng indie films dito sa Pilipinas, kasama sina Kidlat Tahimik at Raymond Red, na kinilala sa pagiging mahuhusay na filmmaker.

Bakit may nakawiwili ang mga Pinoy indie films? Bukod sa tila perpektong pagkuha ng bawat eksena sa mga pelikulang ito, ang mga kwentong ibinabahagi ng mga ito ay true-to-life at umiikot sa mga socially relevant issues na pinagsama sa masining na pagtanghal. Ang ilan sa mga isyu na tinutugon ng mga pelikulang indie ay krimen, kahirapan at hinding-hindi natin maiiwasan, ang kabaklaan.


Kabaklaan at sining sa indie films

Ang kabaklaan ay isang kaugalian ng isang tao na nagkakagusto sa kapareho ng kasarian. Minsan ito ay natural nalang mula noong bata pa o di kaya’y nadevelop makalipas ng ilang taon. Isa ito sa mga pinakaimportanteng isyu mula pa noong 90s hanggang sa kasalukuyang panahon. 

Sa isang lecture ni Dr. Nicanor Tiongson, naging laganap ang paggawa ng gay-themed films noong 1950s, ngunit hindi raw tama ang pagganap sa isang bakla noong panahon na iyon dahil makikita mo na parang pinagrabe ang pagka-bakla at ginawang bagay na pang-katatawanan lamang. Noong naging socially-acceptable ang kabaklaan, noong 2000s, naiba na rin ang imahe ng kabaklaan sa pelikula at nauso na rin ang pagpapakita ng bagong imahe na iyon sa mga pelikula ng mga independent filmmakers at kapansin-pansin pa rin ito hanggang ngayon.

Nakapanood ako ng dalawang pelikula na nakapag-paiba ng aking tingin sa mga bakla, una ay Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa ni Dr. Alvin Yapan at Alemberg Ang, at sumunod ay Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros ni Michiko Yamamoto at Auraeus Solito.


Sa Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa, napakaganda ng pagbunyag sa katotohanan. Hindi ito typical na pagganap ng isang student-teacher relationship, mabibigla ka nalang sa mga pangyayari. Isang susing sangkap sa pelikulang ito ay ang paghahanap ng dalawang lalaking lead characters ng isang common ground, ang sining ng pagsayaw at tula. Kahit iba ang motibo nung isa para matutong sumayaw, nahanap nila ang kanilang sarili sa isa’t-isa. Nadiskubre nila na ang pagbibigay-kahulugan sa tula ay pwedeng gawing galaw ng tao. Ang bawat eksena na magkasama sila, sa klasrum habang nagbabasa ng tula o kaya’y sa dance studio, nagbigay-simbolo sa bawat step ng isang relasyon; natuto muna siya ng basics bago humantong sa entablado.

Binigyan ni Ang at Dr. Yapan ng realistikong pakiramdam ng kabaklaan ang pelikulang ito sapagkat sa bawat eksena ay unti-unting umiinit ang bawat hawak ng kamay at pagtitig nila sa isa’t-isa sa kanilang pagsasayaw at pagbigay-kahulugan sa mga tula; mararamdaman mo talaga na sila’y nagkakaroon ng kakaibang koneksyon, sila’y nadevelop na habang palapit na ng palapit ang wakas ng pelikula.

Sa Pagdadalaga ni Maximo Oliveros, lalong nabigyan ng kalaliman ang buhay ng isang bakla. Naipakita sa pelikulang ito ang buhay ng isang simpleng batang binabae sa gitna ng roller coaster of emotions dala ng mga nangyayari sa buhay niya sa araw-araw. Sa tingin ko, ang lubos na naka-apekto sa daloy ng kwento ay yung setting dahil ang bawat eksena ay binigyan ng emotional backdrop ng lugar kung saan ito kinunan. Hindi simple ang pagganap ng papel ng isang bakla sa isang siyudad na puno ng panganib; may inaakalang pag-ibig doon, may patayan diyan, may pagsusugal at nakawan kung saan siya nakalingon. Naipakita sa pelikulang ito ang paghahanap ng ligaya sa isang lugar na kung saan ito’y hindi umiiral.

Sa pananaw ni Solito at Yamamoto, ang pagiging bakla ngayon ay hindi lang puro landian, ingay at saya, sapagkat sa mundong mapanganib ay isa lang talaga ang mapipili mo sa tatlong importanteng bagay sa buhay, pag-ibig, pera o pamilya.

Sa dalawang pelikulang tinalakay, makikita natin na ang kabaklaan ay isang natural na bagay at hindi dapat kinaririndian. Ang mga sitwasyon na kinaroroonan nila ay madali naman maiuugnay sa tunay na buhay, dahil sa araw-araw may nangyayaring ganung bagay.

Para sa akin, mas may depth ang indie films kaysa ang mga mainstream. Sa mga isyu pa lang na tinatalakay ng indie films ay tumba na ang mainstream. Sa dulo ay karapat-dapat ng bigyan ng pansin at papuri ang mga gumagawa ng independent films, bukod sa pagdadala ng pangalan ng ating bansa sa mabuting paraan, binibigyan nila tayo ng isang avenue para magkaroon ng kamalayan sa mga nangyayari sa paligid at maging responsable sa ating mga lipunan.

Sunday, February 17, 2013

'Di Ata Bagay Yung Comm Arts At Math

Matematika, isang bagay na sobrang tagal na nating pinagaaralan. Habang pataas nang pataas sa level ng edukasyon ay lalong nagiging kumplikado ang matematika. Napaisip tuloy ako kung bakit natin ginagawa ito kahit na kailangan lang natin sa tunay na buhay ay addition, subtraction, multiplication at division, lalong-lalo't ako'y isang Communication Arts major.

"John has one egg in his left hand and one egg in his right hand. How many eggs does John have?" ay isang halimbawa ng math problem na hinding-hindi natin naiwasan harapin nung baby pa tayo. Sobrang sisiw palang yung math na yan. Alam nating lahat na dalawa ang itlog ni John. Entry level math palang yan at katulad nang sinabi ko, pahirap nang pahirap ang math habang patanda nang patanda.

Dumating na sa punto na umepal yung alphabet sa math. "5x-7123y=12345. Find the x." Bakit ko naman hahanap-hanapin yung "x"? Past is past, diba? Pero sige, tuloy pa rin ako sa kakahanap sa bwiset na "x" na yan. Bukod sa alphabet, dumagdag pa sa problema yung iba't-ibang mga hugis katulad ng circle, square, pentagon, hexagon at kung ano-anong "gon" pang meron diyan. Sa algebra ako pinaka-nahirapan sa buong buhay kong nag-aaral ng math. Dahil sa algebra, una akong nakatikim ng line of 7 na grade. Grabe lang. Pero nabawi ko naman ang kahihiyan dahil naging line of 9 sa sumunod na term at napagulat ko din ang titser ko.

Pagdating sa kolehiyo, pinili ko ang communication arts bilang kurso ko dahil hilig ko talaga ang bagay na related sa media, ngunit hindi ko inakala na dadaan ulit ako sa matematika. Hindi ko naman sinasabi na muhing-muhi ako sa math. Sawang-sawa lang talaga ako at alam ko naman na ang track na itataguyod ko ay walang kinalaman doon.

May talento naman ako sa math kung tatanungin mo ako. Pero 'di mo naman tinatanong, sinasabi ko lang. Yung talentong sinasabi ko yung tipong hindi ko alam yung ginagawa ko, pero pagbalik ng papel ay tama naman pala. Kahit na ganun ang nangyayari sa akin, hindi ko pa rin alam kung bakit big deal ang math, lalo na ang algebra at trigo, sa buhay.

"Bakit natin ginagawa itong algebra na ito, eh 'di naman ako magiging mathematician?" ang tanong ko lagi sa sarili ko habang sumasagot ng mga math test o exercise. Kung iisipin mo, kailangan lang talaga natin sa buhay ay ang basic operations (add, subtract, multiply, divide). Turo nga ng Bibliya ay "go forth and multiply on the earth and increase upon it", hindi naman "look for the value of x and substitute it with the midpoint of the line y to find z", diba?

Basic knowledge ang matematika. Kailangan nating matutunan iyon para makapasa sa paaralan. Pero bakit nga ba natin pinag-aaralan ang mga kumplikadong matematika nang mahigit sampung taon tapos babalik lamang tayo sa "1+1=2" kapag nagta-trabaho na tayo? Yun lang ang tanong ko bilang isang Com major.

Saturday, February 9, 2013

Ang Banog ng Sanlibutan ng Ateneo Enta

Isinama ako ng isa kong kaibigan sa set ng Labaw Donggon habang under construction pa lang ito. Naging interesado ako sa panonood nito dahil outdoor ang set nila at iniisip ko kung paano mapupull-off ng Ateneo Entablado (Enta) ang dulang ito.

Ayun, kakapanood ko palang kagabi ng dulang ito at sariwa pa sa isip ko ang lahat ng detalye ng napanood ko mula sa pagaarte ng mga miyembro ng dula hanggang sa set design nila.

Bago pa magsimula ang dula, nakuha na ang atensyon ko ng isang miyembro ng cast (na nagpakilala na bespren pala ni Labaw) na nakikipag-interact sa mga tagapanood. Aliw na aliw ako sa kanya kaya't pinagpatuloy ko ang panonood kaysa sa pakikipagusap sa kaibigan ko.

"Ohhh doyyyy!" Nagsimula ang dula sa pag-awit ng diwata nito at nagpakilala na si Labaw Donggon bilang pangunahing tauhan ng dula. Maganda ang tindig niya at talagang taas-noo siya sa pagiging bayani niya. Kasama ni Labaw ang bespren niya sa bawat eksena at mahusay na mahusay ang halo nilang dalawa dahil binigyan nila ng tamang halaga ng kwela at pagseseryoso. Personal na paborito ko nga lang ang bespren ni Labaw dahil sa kanyang kakulitan at mga hirit. Kung sa pagaarte ang usapan, kuha ng bawat isa ang kanilang papel sa dula, maging bayani, villain o baboy-damo man binibigyan ko sila ng 5 stars doon!

Isa pang nagpahanga sa akin ay ang set nila. Ang stage, nakapalibot na bakod at riser ay gawa sa kahoy, banig at iba pang natural resources at ang lahat na iyon ay binuo ng isang construction team ng mahigit dalawang buwan. Very Pinoy talaga ang set nila at naging malaking bahagi sa pagbibigay ng epic feel at emosyon sa dula.

Sa mga costume nila, pang-world class na dula! Pwedeng-pwede silang ipadala sa iba't-ibang bansa para sa Labaw Donggon World Tour brought to you by Enta in partnership with Smart: Live More!

Ika-30 na anibersaryo na ng Enta at sa pagsasadula ng epiko ng Labaw Donggon ay naipakita nila na karapat-dapat silang magpatuloy sa ginagawa nila nang tatlumpu pang taon. Hindi niyo dapat palampasin ang pagkakataon na mapanood ito dahil ito'y isang napakahusay na produksyon!

Gustong-Gusto Ko Maging Bumbero Noong Bata Ako

Napapanood ko yung mga dokumentaryo tungkol sa mga firefighter ng ibang bansa sa telebisyon. Yung mga bumberong napanood ko'y walang takot na pinapatay ang mga apoy sa mga gusali at nagliligtas ng mga buhay ng mga tao pati na rin ng mga hayop. Sobra ang paghanga ko sa mga ginagawa nila sa araw-araw kaya't nagtaka ako noon kung mayroon din tayong ganon dito sa Pilipinas at nasagot ang mga tanong ko noong limang taong gulang ako.

Noong preschool ako, pumunta ang klase ko sa Makati City fire department. Nakita ko na nakaparada sa labas ng istasyon ang mga pulang trak at naalala ko yung mga pulang trak na nakita ko na minamaneho ng mga bumbero sa mga dokumentaryong napanood ko. Sinalubong kami ng mga lalaki at nagpakilala sila, yun pala ay mga bumbero sila! Sinamahan kami ng mga bumbero sa paglilibot ng buong istasyon. Pumunta kami sa bawat silid at opisina doon at ipinakita nila ang gawain ng mga bumbero habang hindi sila tinatawagan para sa mga biglang pangangailangan. Tinuruan kami kung paano bumaba ng fireman's pole at pati na rin ng hose. Nabigyan rin ako ng pagkakataon sumakay sa pulang trak nila. Sobrang saya ko nung araw na iyon na gustong-gusto ko nang maging bumbero kaagad-agad.

Pagkalipas nang maraming taon, buo ko nang naunawaan na hindi talaga madaling maging bumbero. Kapag may apoy o kahit anong disgrasya, dapat laging handa at malakas ang pangangatawan, dahil madaming buhay ang nakasasalay sa mga bumbero. Kahit na hindi ko na pangarap na maging bumbero, may paghanga pa rin ako sa tapang at lakas ng mga bumbero. Saludo sa kanila!

Monday, January 7, 2013

El Presidente: Isang Pagsusuri

Kasama ko si Stela C. at iba pang mga kaibigan noong pinanood ko ang pelikulang El Presidente ni Direk Mark Meily. Inasahan ko na magiging boring at by-the-[history] book ang pelikulang ito ngunit nagulat ako nang magsimula ang pelikula, yun pala history with a twist ang pelikulang ito.

Talagang nakuha ng pelikulang ito ang atensyon ko. Action-packed at kakaiba pala ang take ni direk sa isang parte ng kasaysayan ng Pilipinas. Hindi ko akalain na ganoon pala kalupit sa giyera ang unang presidente nating si Miyo (Emilio Aguinaldo). Napakahusay ang kanyang paghawak sa baril at balisong. Kung makaiwas siya sa mga bala at hataw ng kalaban ay parang si Fernando Poe, Jr. lang. Suwail pala sa samahan si Andres Bonifacio. Napakaraming twist sa kasaysayan ang naipakita dito at masasabi ko na bumalik ang aking interes sa pag-aaral tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas.

Nagustuhan ko ang halo ng cast na napili nila para sa pelikulang ito sapagkat ito'y star-studded. Sa tingin ko ay kuhang-kuha ng bawat isa ang kanilang ginanap na papel. Ang up and coming action star na si ER Ejercito, na gumanap kay Asiong Salonga sa pelikulang Manila Kingpin noong nakaraang Metro Manila Film Festival, ay gumanap kay Heneral Emilio Aguinaldo sa El Presidente. Nakita ko ang "angas" ni Asiong sa personalidad ni Miyo dito kahit na kataas-taas at kagalang-galang ang karakter niya. Si Cesar Montano ay gumanap kay Andres Bonifacio at ang masasabi ko lang sa pagaarte niya dito ay "wow". Bilib na bilib talaga ako sa talento ni Cesar. Si Baron Geisler na gumanap naman sa isang heneral na Espanyol ay nakuha ang pagiging brutal at walang awa sa mga Indio katulad sa mga nabasa ko noong sa mga aklat. Sa mga iba namang gumanap sa kanilang mga papel sa El Presidente, pinupuri ko kayo sa kahusayan ninyo sa pelikulang ito.

Ang lokasyon at pagkuha dito sa kamera ay kamangha-mangha. Kuhang-kuha ng crew ang kagandahan ng mga gubat, lumang kabahayan, dalampasigan at iba pang lugar na may kinalaman sa kasaysayan ng Pilipinas noong panahong iyon. Nabigyan ng pansin sa film ang mga importanteng lugar tulad ng Cavite, Laguna, Bulacan at Bataan.

Noong natapos ang pelikula ay natulala nalang ako at hindi ko akalain na mga Pilipino ang gumawa nito. Sa palagay ko, ang El Presidente ay nagpapahiwatig na hindi lamang kalokohan ang naipapakita ng mga Pinoy sa pelikula ngunit kayang-kaya maging seryoso at maipakita sa lahat ang kagandahan ng mga tanawing Pilipino at ang kasaysayan at talento ng Pilipino. Binibigyan ko ng 10/10 ang El Presidente!